Tuesday, July 1, 2008

Ang Pagbuo ng Isang Mainam na Patotoo
ng Iglesia dito sa Mundo
Galacia 6:9-10

Kadalasan, kapag tinutukoy natin ang patotoo ng Iglesia, iniisip nating ito’y patungkol lamang sa pagbahagi ng ebanghelyo. Inutusan tayo ng Panginoong Jesus na gawin ito at dapat lamang na tayo’y sumunod! Ngunit hindi duon nagtatapos ang ating tungkulin. Pagkatapos natin silang mabahagian ng ebanghelyo at akayin sa kaligtasan, dapat natin silang patuloy na gabayan upang sila’y lumago sa kanilang pananampalataya. Madalas, dito sa tungkuling ito tayo pinanghihinaan ng loob.

Hayaan ninyong magbigay ako ng ilang mga paraan batay sa Salita ng Diyos na maaari nating magamit sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Kung minsan ay natutukso na tayong gayahin ang mga banyagang kaparaanan. Ngunit hindi dapat. Dapat nating isaalang-alang ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Oo nga’t tayo ay inutusan ng Panginoong Jesus na humayo at ikalat ang ebanghelyo. Ngunit dapat nating gawin iyon bilang pagsunod sa Kaniya at bunga ng ating pagmamahal sa Diyos at sa mga taong makasalanan.

Paano nga ba natin mamahalin ang mga makasalanang hindi nararapat ng Kristiyanong pagmamahal? Gaano katagal tayo dapat magtitiis sa mga taong itong hindi marunong kumilala ng paghihirap at sakripisyo ng iba para sa kanila?Naisip ko ang teksto natin sa Galaciang humihimok sa ating magpatuloy sa pagmahal at pagtulong sa kapwa bagama’t sila’y hindi tumutugon. Habang sinusunod natin ang paghimok ng Diyos na magpatuloy at huwag panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti, tayo’y bumubuo ng isang maka-Diyos na patotoo sa harap ng mga ‘di ligtas. Ating pag-aralan ang teksto upang matuto kung paano natin mapapaayos at mapapabuti ang ating patotoo.

Una, huwag tayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti (talata 9a). Ito’y nagtuturo ng kahalagahan ng pagkakaroon ng isang matatag na puso sa paggawa ng mabuti sa anumang uri ng tao. Madalas, kapag tayo o ang ating pagtulong ay tinatanggihan ng mga tao, kaagad tayong nasisiraan ng loob. Ito ang masamang gawaing nakasaad sa talatang ito. Hindi dapat tayong manghina sa paggawa ng mabuti. Ano man ang ating papel sa gawain ng Diyos, dapat tayong magpatuloy sa paggawa ng mabuti sa kapwa. At anuman ang gawaing itong ating ginagawa para sa Panginoon, hindi tayo dapat manghina batay sa mga resultang ating natatamo.

Pangalawa, mayroon itinakdang panahon ang Panginoon upang tayo’y umani mula sa ating maka-Diyos na gawain (talata 9b). Hindi ito maaaring hadlangan ng tao. Ito’y kusang darating sa itinakdang oras ng Panginoon. Kaya’t tayo’y magpatuloy sa paggawa nang may pagkilala ng pagdating ng pag-ani. Alalahanin natin ang hirap na dinaanan ng ating Diyakono sa pagkalat ng Salita ng Diyos at ang paglipas ng panahon na ‘di niya nababanaagan ang liwanag ng pagsagot ng Diyos. Ngunit isang araw, tayong lahat ay nagdiwang kasama siya habang nakikita natin ang paglago ng gawain sa kanilang lugar at ang pag-usbong ng isang iglesia. Tayong lahat ay nagtipid ng pera para sa ating mga misyonaryo. Sinikap nating maitabi ang bawat piso upang sa lumao’t madali’y magamit para sa gawain ng Diyos. Naisip nating talikuran na ang proyekto ng CAM dahil sa hirap ng pagtaguyod nito. Ngunit naniniwala akong ang ating pagpapagal ay pagpapalain rin ng Diyos. Nagtakda ang Diyos ng araw na makikita natin ang paglago ng ating pondo. Paano? Hindi ba’t kaya ng Panginoong paramihin ang magbibigay at ang ibibigay? Nakikita natin itong nangyayari sa mga negosyo. Kaya’t bakit hindi tayo tumulad sa mga langgam sa pag-iimpok at umasa sa Diyos na Siya ang magpapalago nito.

Umaasa ako at patuloy na naghihintay sa Diyos na Kaniyang pagpalain at palaguin ang mga ibinigay Niya sa atin. Alam kong magtataas Siya ng mga magiging katuwang natin sa gawain. At kung magkagayon, matutupad natin ang pagpapadala ng mas marami pang manggagawa sa loob at labas ng Pilipinas. Kaya’t mga kasapi ng Cornerstone, halina’t makisama sa mga kalalakiha’t kababaihang patuloy na gumagawa upang maitaguyod ang gawain ng Diyos!

At panghuli, magpatuloy sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao (talata 10). Ang talatang ito ay tiyak at sakop ang maraming bagay. Pagkatapos ang dalawang paghimok sa paggawa ng mabuti, ang manunulat ay nag-udyok sa kaniyang mambabasa na gumawa ng mga proyektong magiging kapaki-pakinabang sa ligtas o ‘di ligtas man. Ito din ay nagbigay ng paalala na unahin natin ang mga kapwa mananampalataya. Pakatandaan ang paalalang ito ukol sa prayoridad upang hindi magkaroon ng suliranin sa iglesia sa hinaharap.

Ang mga proyektong ilulunsad ng iglesia ay dapat maging kapaki-pakinabang sa mga kasapi ng iglesia. Pagkatapos ay maaari itong palawakin upang sakupin ang ligtas at ‘di ligtas. Kung ang proyeto ay maging matagumpay, tayo ay mag-aani ng maka-Diyos at ‘di-makukuwestiyon na patotoo. Hindi ibig sabihin na kapag nangyari ito’y hindi tayo mapupulaan ng iba. May mga taong magpupumilit na tayo’y sirain sa pamamagitan ng paghanap ng ating mga pagkakamali.

Kailangang gawin ng iglesia ang mga proyektong ito bilang pagkilala sa pagmamahal ng Panginoong Jesus sa mga tao. Kapag naramdaman ng mga tao ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga gawa, mas magiging madali para sa taong itong buksan ang kaniyang puso sa ebanghelyo. Maaring hindi siya maligtas. Siyang nakakakita ng pagmamahal ng Diyos at nakakarinig ng ebanghelyo ngunit tinanggihan ang alok ng Diyos na kaligtasan ay masusunog at maghihirap sa impierno. Wala silang dapat sisihin kung hindi ang kanilang sarili. Mabuti na lamang at hindi ganito ang lahat ng mga tao! Purihin ang Diyos dahil sinabi na Niya sa Bibliya na may mga taong tatalikuran ang mali at aakapin ang katotohanang nakahayag sa Bibliya dahil sa pagmamahal ng mga Cristiyano. Siya Nawa!

No comments: