Thursday, January 8, 2009

Ang Pananaw ng Isang Musiko
sa mga Gawa ng Diyos
Mga Awit 77:11-20

Kakaunti lamang na musiko ang nagiging tanyag. Marahil ito rin ang kurso na madalang na kunin ng mga magsisitapos sa mataas na paaralan at nagnanais na pumasok sa kolehiyo. Ito ang nangyayari sa sekular na larangan. Wala ring gaanong kaibahan sa ganitong larangan ng ministeryo ng mga Kristiyano. Ang iba ay pumapasok sa larangan ng musika dahil sa pagnanais na malaman kung ano ang meron dito habang ang iba ay pumapasok dahil sa kawalan ng iba pang mapapasukan. Sila’y mananatili habang wala pa silang ibang malilipatang gawain. Kadalasan, ang mga mahuhusay na musiko ay hindi nababayaran ng tama. At dahil sila’y may mga pangangailangang kailangang tustusan o ‘di kaya’y pamilyang kailangang buhayin, ang iba sa kanila’y napipilitang lisanin ang larangan ng musika. Ang iilang malalakas ang loob na piniling manatili at ipagpatuloy ang kanilang panawagan ay magbabata ng mga kabigatang nakapaloob sa kanilang desisyong manatili. Ang iba sa kanila’y magtatagumpay habang ang iba’y hindi.

Ang ating teksto ay sinulat ng isang musikong naglilingkod sa loob ng templo ng mga Hebreo. Siya’y si Asaph, isang levitang musiko. Bilang musiko, siya ang nangangasiwa ng lahat ng mga gawain patungkol sa musika sa loob ng templo. Araw-araw niyang pinapangunahan ang ensayo ng iba pang musiko sa templo. Para sa kanyang mga pangangailangan, siya’y umaasa lamang sa ibinibigay na ikapo at handog ng iba pang mga tribo. Minsan na siyang nainggit sa karangyaan ng mga masasama (Mga Awit 73). Marahil ay nakita niya ang yaman ng mga taong hindi naglilingkod sa Diyos habang siya at ang kaniyang pamilya’y bahagya na lamang na nabubuhay at paulit-ulit na hinaharap ang gawain sa templo. Ngunit salamat sa Diyos at napagtagumpayan niya ang tentasyong iyon sa pamamagitan ng pakikinig sa Salita ng Diyos.

Maraming mga aral ang mapupulot mula sa buhay ng isang musikong naglingkod sa Diyos sa kabila ng mga pasakit. Humanda tayong alamin ang kaniyang pananaw sa Diyos at sa mga gawa Niya. Isaalang-alang ang kaniyang sinabi sa bersikulo 1, “Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.”

Sa mga talatang 1-10, labis na napighati si Asaph dahil sa kaniyang inggit at selos sa karangyaan ng mga masasama. Hindi siya makatulog. Hindi siya makaawit dahil wala siyang makitang dahilan upang magsaya. Kinailangan niya ang aliw na nagbubuhat lamang sa Diyos upang manumbalik ang kaniyang galak sa paglilingkod sa templo. Inisip niyang siya’y nilisan na ng Panginoon dahil wala siyang makitang palatandaan ng parating na tulong mula sa Kaniya. Siya’y lubos na nababahala dahil hindi pa sinasagot ng Diyos ang kaniyang panalangin upang iligtas ang bayang Israel. Sa kaniyang pananaw, malayo at walang pakialam ang Diyos sa kaniyang mga hinaharap na kabigatan.

Ngunit nakadama siya ng aliw at kasiguruhan nang siya’y nagbulay-bulay sa pagkilos ng Diyos sa bansang Israel nuong unang panahon. Una, inalala niya ang ginawa ng Diyos sa kanila bilang isang bansa (bersikulo (b.) 11). Pinili niyang alalahanin ang mga dakilang milagro ng Diyos. Kasama rito ang pagligtas sa Exodo (b. 19-20). Gumawa rin ang Diyos ng paraan upang alalahanin niya ang mga pagkilos ng Diyos sa Mga Awit 111:4. Ang pag-alala sa mga ginawa ng Diyos sa iyong buhay ay isang paraan upang makabangon mula sa pighati at panghihina ng loob. Isaalang-alang ang kaligtasang natanggap, ang kapatawaran ng mga kasalanan, ang kalakasang ibinigay ng Diyos, at ang mga biyayang ibinigay ng Diyos sa panahon ng kagipitan.

Pangalawa, nagbulay-bulay siya sa lahat ng gawa ng Diyos (b. 12a). Ang salitang bubulayin ay nangangahulugan ng pag-ungol ukol sa isang bagay. Ito ay lagpas sa pag-iisip lamang. Nangangailangan ito ng imahinasyon at pagsambit ng iyong naaalala mula sa Diyos. Ito’y katulad ng pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos (Josue 1:7-8). Ganito din ang ginawa ni David sa Mga Awit 143:5. Sa ating panalangin at pribadong pag-iisip at pagpaplano, kailangan tayo’y magbulay-bulay sa ginawa ng Diyos noong nakaraan. Dapat tayong manabik sa pag-ulit ng Panginoon sa ating panahon ng Kaniyang ipinangako at ginawa sa bansang Israel noon. Dapat nitong pangibabawan ang ating mga pag-iisip. Dapat itong maging bahagi ng ating mga plano sa lokal na iglesia.

Pangatlo, nagdesisyon siyang talakayin ang gawa ng Diyos (b. 12b). Bilang isang musiko, obligasyon ni Asaph na lumikha ng musika at umawit ng mga himno. Sa ganitong mga paraan niya naihahayag ang mga gawa ng Diyos. Kapag siya’y lumikha ng awit at himnong gumugunita ng mga ginawa ng Diyos, naisasakatuparan niya ang biblikal niyang tungkulin. Kailangan ng mga musiko na malaman ang mga ginawa ng Diyos na nasasaad sa Bibliya. Kailangang regular na pagbulay-bulayan ang mga katotohanang ito hanggang sa maging bahagi ito ng kanilang katauhan at maging basehan ng kanilang pagtatalakay ng mga gawa ng Diyos. Sa isang banda, kapag ang puso’t isipan ng mga musiko ay puno ng makamundong kaisipan at pagnanasa o pagkabahala sa mga kaganapan sa mundo, ito rin ang magiging laman ng kaniyang mga katha at komposisyon. Isipin ninyo ang mga salita at musikang rock o mga awitin ng mga sensual at makamundong mang-aawit. Sino ang nais nilang matuwa at bigyan ng luwalhati? Bakit nahulog sa ganitong kamalian ang Contemporary Christian Music (CCM)? Alamin kung ano ang inilalagay nila sa kanilang mga isipan at kung ano ang kanilang layunin.

Inisa-isa ni Asaph ang mga gawa ng Diyos sa Israel. Una, saan matatagpuan ang mga paraan ng Diyos? Ayon kay Asaph, ito ay matatagpuan sa santuario ng Diyos (b. 13). Dahil marami ang naghahanap ng tamang daan, sinabi niyang ito’y matatagpuan sa lugar na kung saa’y nagtitipon ang mga tao ng Diyos. Kung ang ating mga paraa’y naglalarawan ng Salita ng Diyos na itinuturo ng mga alagad ng Diyos sa Kaniyang iglesia, tayo’y gagayahin ng mga taong makakarinig at makakakita sa atin. Dahil dito, ang templo ng Diyos ay magiging tagapanguna at tagataguyod ng mga maka-Diyos na pamamaraan.

Pangalawa, ang Diyos ay gumagawa pa rin ng mga kababalaghan kagaya nuong una (b. 14). Hindi huminto ang Diyos sa pagbigay ng mga himala. Ito’y ginagawa Niya kung alam Niyang kinakailangan. Ginagawa rin Niya ito upang itaas ang kaniyang pangalan sa harap ng mga ‘di ligtas. Kaya’t maaari pa ring umasa sa himala ng Diyos ang mga mananampalataya. Anupa’t ang katotohanang ito’y dapat magpalakas ng ating loob upang magpatuloy na magsilbi sa Kaniya.

Pangatlo, iniligtas Niya ang Kaniyang mga tao (b. 15).
Ito ay nangyari sa panahon ng Exodo. Walang kapangyarihan ang Israel na iligtas ang kanilang sarili nuong mga panahong iyon. Kaya’t ang Diyos ang gumawa ng paraan upang sila’y iligtas. Ito’y isang larawan ng ating kaligtasan mula sa ating mga kasalanan at sa impiyerno. Hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili. Ngunit ginawa ng Diyos ito para sa atin nang tayo’y nagsisi sa ating mga kasalanan at nagtiwala kay Kristo bilang ating Tagapagligtas.

Patuloy na gumagawa ang Diyos ng mga kababalaghan sa mundong ito. Bawat mananampalataya ay kailangang makita at malaman ito upang magpatuloy na magbigay puri sa Diyos. Ang inyong pag-alala at pagbubulay-bulay ng mga gawa ng Diyos ay kailangan upang maihayag ninyo ang Diyos sa ibang tao. Magpatuloy na isa-isahin ang mga ginawa ng Diyos sa iyo at sa ibang tao. Punuin ang iyong isipan at kaluluwa ng mga bagay na ito nang sa gayo’y maimpluwensiyahan nito ang paglilingkod ninyo sa Diyos.

Bilang mga modernong Asaph, isaalang-alang natin ang ating kakaibang biblikal na pananaw at pamamaraan sa lokal na iglesia. Bigyang panahon ang paglikha ng mga awiting naglalarawan ng mga doktrinang pinaniniwalaan. Kung ang doktrina ng “verbal and plenary inspiration” at ang pangangalaga at pag-iingat ng Salita ng Diyos ay tama, nararapat lamang na lumikha tayo ng mga awiting nagtuturo ng doktrinang ito. Kung ang paniniwala sa pangingibabaw ng lokal na iglesia sa mga iba pang organisasyong nakakabit sa lokal na iglesia ay tama, ang ating musika ay dapat nagsasaad din ng ganitong katotohanan. Ang pagiging militante na may halong pag-ibig at awa upang ipagtanggol ang ating pananampalataya ay ipinag-uutos ng Bibliya. Hindi ba nararapat lamang na lumikha tayo ng mga awiting naglalarawan ng mga katotohanang ito? Siya Nawa!

No comments: