Sunday, May 25, 2008

Ang mga Katangian ng isang Lingkod na Lider
Hebreo 11:23-29

Si Moises ay napabilang sa listahan ng mga taong kabilang sa bulwagan ng pananampalatayang nakasaad sa Hebreo 11 na kung saan ang may-akda (na marahil ay si Pablo) ay tinuring silang mga taong may malaking pananampalataya. Isang malaking karangalan para kay Moises ang mapabilang sa listahanang ito. Ang kasaysayan na ang bahalang maghusga kung ang pananampalatayang hawak natin sa ngayon ay karapat-dapat ng parangal sa hinaharap. Ano ang mga katangian ng magaling na pinunong Hebreo na ito na nagpalaya sa kanyang mga kapwa Israelita sa pagmamalupit ng mga taga-Ehipto?

Siya ay namulat sa impluwensiya ng maka-Diyos at malakas ang loob na mga magulang at kapatid (talata 23). Ang mga magulang ni Moises ay nanatiling matatag sa kanilang paninindigan na itago siya sa paningin ng mamamatay-taong Paraon. At sila ay nagtagumpay at nabigyan siya ng pagkakataong mabuhay. Sinuong din nila ang panganib nang sila’y makipagkasundo sa anak na babae ng Paraon at lumakad ng may pananampalataya sa Diyos nang hinayaan nilang maitaguyod si Moises sa ilalim ng sistema ng Ehipto. Ang Diyos ay hindi nagpabaya at iningatan si Moises upang sa hinaharap ay maging kagamit-gamit sa Kanyang mga layunin.

Kailangan nating mga magulang ang lakas ng loob ng mga magulang ni Moises. Kailangan nating manatiling malakas kahit na ang mga nangyayari sa ating paligid ay pilit na pinapahina ang ating kalooban. Kailangan nating isaalang-alang ang ating iiwanang patotoo. Naiisip ko ang isang magulang na nananatili sa kasalanan na nagpalaki ng isang anak na babae na ngayo’y mali ang pananaw sa kanyang kasarian at lulong sa pagnanakaw. Ngunit ang ama’y nananatili sa kanyang kasamaan at tumatangging kilalanin ang kanyang mga kasalanan. Anong masamang pamana ang kanyang iniwan sa kanyang anak!

Pinahindian niya ang mga pribilehiyo ng pagiging kasapi ng pamilya ni Paraon (talata 24). Hindi ba’t napaka-impraktikal ni Moises nang tinanggihan niya ang mga benepisyo ng pagiging apo ng Paraon (batay sa pagiging ampon niya)? Bakit niya ginawa ito? Dahil ayaw niyang sumalansang sa plano ng Diyos, kaya’t ipinagkait niya sa kanyang sarili ang mga benepisyo ng pagiging kapamilya ng Paraon upang maganap niya ang layunin ng Diyos sa kanyang buhay. Ang mga pangyayaring ito sa kanyang buhay ay patunay ng higit na pagpapahalaga ni Moises sa kalooban ng Diyos kaysa sa kanyang pananatili sa palasyo.

Bilang mga Kristiyanong mga magulang, ang mga gawain na pinapayagan nating gawin ng ating mga anak ay nagpapakita kung anong uring karakter ang nais nating makamtan nila. Kung minsan ay pinoprotektahan natin sila laban sa ilang paghihirap sa buhay, tulad ng pag-ulit sa antas ng pinag-aralan dahil sa katamaran o di kaya ang pagharap sa kahihiyan dahil sa maling ginawa. Ang mga maling pamamaraan na ito ay siguradong makakaapekto sa kanilang buhay sa pagtanda.

Mas ninais niya na danasin ang paghihirap na nakaugnay sa pagiging kabilang sa mga tao ng Diyos (talata 25). Mataas ang kanyang pananaw sa mga paghihirap na nakaugnay kay Kristo (talata 26). Ang paghihirap ay natural na inaayawan ng ating katawan. Iniiwasan natin ang anumang makakasakit sa atin. Ngunit hindi alintana ni Moises ang pakikisama sa mga Israelita kahit na ito’y nagdudulot ng sakit sa kanya. Ang tingin niya sa mga pasakit na iyon ay marangal at nakalulugod. Ano ang nagtulak sa kanya upang gumawa ng kakaibang desisyong ito sa kanyang buhay? Ang marangal at ang panghinaharap na gantimpala sa langit. Anong dakilang lingkod si Moises!

Ang mga batang nakaranas ng paghihirap sa buhay, kahit na iyon pang mga nasa ministeryo, ay may inklinasyon na tanggihan ang tawag ng Diyos sa ministeryo. Bakit? Dahil ayaw nilang maulit ang nakaraan. Ito ang mga taong hindi nakita ang dangal ng pagsisilbi sa Panginoon. Ang nakikita lamang nila ay ang paghihirap hindi ang mga gantimpala sa gawain ng Panginoon. Kaya’t nahihilig silang makisama sa mga ‘di ligtas o sa mga taong kinu-kompromiso ang Salita ng Diyos upang maibigan ang buhay at maiwasan ang paghihirap. Ito ay hindi tunay na kristiyanismo!

Mas takot siya sa galit ng Diyos kaysa sa pagkainis ng mga tao (talata 27). Dahil dito ay iniwan niya ang Ehipto at pumunta sa lugar na kung saan siya itinakda ng Diyos na manatili. Ipinakita ni Moises ang kanyang tapang at lakas ng loob nang iniwan niya ang maling lugar upang hanapin ang tama. Pinagtagumpayan niya ang tukso na manatili sa maling lugar dahil lamang sa benepisyong natatamo niya rito.

Mga magulang, mas binibigyan ba natin ng halaga ang mga batikos ng ating mga kamag-anak kaysa sa pangangaral ng Diyos o turo ng mga lingkod Niya? Nakakalungkot na isipin na para sa marami sa atin, mas matimbang ang sinasabi ng mundo kaysa sa sinasabi ng ating Pastor.

Nabuhay siya ng may pananampalataya at pinangunahan ang Israel patungo sa Diyos (talata 28-29). Una, sinunod niya ang tagubilin ng Diyos ukol sa Paskua sa talata 28. Pangalawa, pinangunahan niya ang Israel na tawirin ang Pulang Dagat (Red Sea) kahit na ito’y imposible sa mata ng tao (talata 29).

Tunay ngang nabuhay siya sa pananampalataya. Iniwan niya ang kasiguraduhan ng buhay sa Ehipto upang sundin ang Diyos sa isang buhay na walang katiyakan at puno ng panganib. Ngunit sa lahat ng mga ito ay sinagip siya ng Diyos. Gumawa pa nga ng mga milagro ang Diyos na kanyang nasaksihan at ikinatatag ng kanyang paniniwala. Anupa’t hindi magiging isang dakilang tagasunod ng Diyos ang isang pinuno kung hindi siya handang sumuong sa panganib o magbaka-sakali sa buhay. Hindi siya maitataas sa posisyon kung hindi siya handang tumahak ng buhay sa pananampalataya o buhay na walang katiyakan. Ang kapangyarihan at panustos ng Diyos ay magiging malinaw lamang sa gitna ng walang katiyakang buhay hindi sa isang buhay na nakasandal sa proteksyon ng kamunduhan.

No comments: