Monday, December 1, 2008

Ang Propesiya Ukol sa Pagiging Puspos
ni Jesus ng Banal na Espiritu
Isaias 11:2

Sinabi ni propeta Isaias, “At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon.” Ito ang propesiya ukol sa pagdating ng Mesiyas na pupuspusin at pangungunahan ng Banal na Espiritu sa Kaniyang ministeryo dito sa lupa. Isa sa mga sanhi ng matagumpay na ministeryo ni Jesus sa lupa ay ang kadahilanang ang buhay Niya’y puspos ng Banal na Espiritu. Ito rin ang kinakailangan ng bawat mananampalatayang nagnanais na maglingkod sa Panginoong Jesus.

Sinasaad ng ating teksto na ang Banal na Espiritu ay sasa-Kaniya. Ang ibig sabihin ng salitang “sasa-Kaniya” ay mahulog o manatili, na nagsasaad ng ideya ng pananahan. Dahil ang salita’y ginamit sa panghinaharap na panahon (“ay sasa Kaniya”), ito’y nagpapahiwatig ng panghinaharap na kaganapan. Ang panghalip na “Kaniya” ay tumutukoy sa personang binanggit sa simula ng talata “usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat.” Samakatuwid, ang Banal na Espiritu ay mananahan sa Mesiyas. At ang pananahang ito’y mayroong mga direktang ebidensiya na nasasaad rin sa teksto. Ito’y ang mga sumusunod: (1) diwa ng karunungan at ng kaunawaan; (2) diwa ng payo at ng katibayan; at (3) diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon. Nakita ni propetang Isaias, anim na raang taon bago pa man ito mangyari, ang magiging ministeryo ng Mesiyas sa lupa. At ating tungkuling tuklasin sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral kung ang propesiyang ito’y tunay ngang natupad sa Bagong Tipan.

Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng anim na pangyayari sa buhay at gawain ng Mesiyas na nagpapakitang Siya’y puspos at pinananahanan ng Banal na Espiritu. Ang listahang ito’y hindi lubos at ang pakay lamang ay hikayatin ang mga magbabasa na pag-aralan ng mas malalim ang nasabing paksa.

1. Mateo 1:18,20 - ang pagsilang ng Mesiyas ay ipinahayag rin ng isang anghel. Si Maria at Jose ay kapwang sinabihan ng anghel ng Diyos na dadalhin ni Maria sa kaniyang sinapupunan ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya’t sa pabubuntis pa lamang ni Maria, si Kristo ay puspos na ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, sa Kaniyang kapanganakan, Siya’y pinananahanan na ng Banal na Espiritu.

2. Lucas 2:52 – Ang Mesiyas ay sumailalim sa impluwensiya ng Banal na Espiritu sa Kaniyang kabataan. Tingnan ang sinasaad sa teksto “lumago sa … pagbibigay lugod sa Diyos…”. Ang kalagayang ito’y hindi matatamo kung wala ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay patuloy na pinanahanan ng Banal na Espiritu sa panahong yaon. Dinaanan Niya ang normal na proseso ng pagiging musmos hanggang kabataan na hindi natikman ang karnalidad ng kamunduhan dahil patuloy na namalagi ang Banal na Espiritu sa Kaniya.

3. Mateo 3:16 – kaagad na bumaba ang Banal na Espiritu sa Mesiyas pagkatapos na Siya’y bawtismuhan ni Juan Baptista. Bakit? Bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama na Siya’y bawtismuhan ni Juan Baptista sa ilog Jordan. Hindi Niya ito kailangan upang maligtas dahil Siya mismo ang Manliligtas. Hindi rin Niya kinakailangan ito upang makagawa ng mabuti dahil Siya ang nagbibigay kalakasan sa tao upang makagawa ng mabuti. Ginawa Niya ito sa ikalulugod ng Ama (v. 17). Ginawa rin Niya ito upang tayo, na Kaniyang mga tagasunod, ay magkaroon ng modelong masusundan.

4. Mateo 4:1 – ang Mesiyas ay pinangunahan ng Banal na Espiritu sa kasukalan upang tuksuhin ng demonyo. Ang panunuksong ito ng Demonyo’y kalooban rin ng Diyos. Ang Kaniyang tagumpay laban sa mga panunuksong ito’y patunay na Siya’y pinanahanan at pinatnubayan ng Banal na Espiritu. Isaalang-alang natin ang katotohanang maaari rin tayong akayin ng Diyos patungo sa mga kahirapan kung saan ang kalakasan ng Banal na Espiritu ay magagamit ng lubusan patungo sa tagumpay. Ikumpara ito sa Lucas 4:1 kung saan hayagang sinabi ng manunulat na ang Mesiya’y puspos ng Banal na Espiritu nang Siya’y tumungo sa kasukalan.

5. Lucas 4:14 – Ang Mesiyas, pagkaraan ng Kaniyang tagumpay sa kasukalan, ay kaagad na tumuloy sa lalawigan ng Galilea kung saan Siya’y tinawag ng Diyos Ama upang magministeryo sa mga tao. Tingnan kung paano Siya pumunta duon upang tupdin ang gawain ng Ama. Siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu. Ang gayong matagumpay na ministeryo ay masusukat sa mga naging resulta nito. Una, Siya ay nagturo sa sinagoga, dala ang kapangyarihan ng Espiritu, na kinamangha ng lahat ng tagapakinig. Pangalawa, Siya’y naging tanyag sa lalawigan ng Galilea (v.14b) at sa mga karatig na rehiyon (v.37). Hindi siya kumuha ng isang tagapalaganap upang gawin iyon para sa kaniya. Ang Diyos ang nagtaas at nagpalaganap ng Kaniyang pangalan sa buong rehiyon. Ito rin ang resulta ng buhay at ministeryo ni Juan Baptista (Mateo 3:5). Pangatlo, Siya’y niluwalhati (v.15) ng lahat ng nakapakinig sa Kaniya. Nuong panahong iyon, Siya’y kinikilala pa lang bilang lingkod ng Diyos at hindi pa bilang Mesiyas. Marami ang matututunan natin dito para sa ating buhay at ministeryo. Huwag nating alalahanin ang sinasabi ng mundo patungkol sa ating biblikal na ministeryo. Bagkus ay maging abala tayo sa pagtiyak na tayo’y puspos at pinapangunahan ng Banal na Espiritu sa ating gawain.

6. Lucas 4:18-19 – itinuro ng Mesiyas na patungkol sa Kaniya ang propesiyang nasusulat sa Isaias 61:1-2. Sa madaling salita, sinabi Niyang Siya ang tinutukoy ng propeta. Ipinapakita nito ang magiging buhay at ministeryo Niya. Muli, ang lahat ng mga ito ay natupad.

Nawa’y ang bawat isa sa inyo, mga minamahal na taga-Cornerstone, ay mapuspos ng banal na Espiritu pagkaraang kayo’y mapanahanan Niya. Mga minamahal na mambabasa, nasa inyo na ba ang Banal na Espiritu? Siya ba’y nananahan na sa inyo? Siya’y lubos na nagnanais na gawin ito kung Siya ay inyo lamang pahihintulutan—kung kayo’y magsisi sa inyong mga kasalanan at magtitiwala kay Kristong iligtas ang inyong kaluluwa sa apoy ng impiyerno. Alalahaning binayaran na ng Panginoong Jesus ang ating mga kasalanan sa krus ng kalbaryo. Mga Kristiyano, nawa’y magpatuloy kayo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos upang makalakad ng naaayon sa kalooban ng Diyos at mapalawak ng Diyos ang lokal na iglesiang kung saa’y inilagay Niya kayo. Siya nawa!

No comments: