Wednesday, October 1, 2008

Ang Pag-alam kung Tunay kang Tinawag ng
Diyos sa Gawaing Misyon
Mga Gawa 13:1-4

Madalas itanong sa akin bilang pastor, “Paano ko po ba malalaman na ako’y tinatawag ng Panginoon upang maging misyonaryo?” Mahirap na tanong ito at marami na rin ang hindi nakatugon ng positibo rito. Ang pagtanggi sa pangunguna ng Panginoon sa ating buhay ay isang mabigat na kasalanan. Ang pagsuway sa utos ng Panginoon na maging kabahagi ng gawaing misyon, anumang gawain ang ipangusap ng Panginoon, ay pagkawala ng isang pribilehiyong matagal na inaasam ng marami. Ang kahirapan ng mga tungkulin sa misyon ay madaling nakakapanghina ng loob sa mga taong hindi tunay na tinawag ng Diyos. Ang kakulangan sa pera upang tustusan ang pangangailangan sa misyon ay nagtutulak sa iba na sumuway sa panawagan ng Diyos. At ang iba naman ay tuluyan nang diniskuwalipika ang kanilang mga sarili sa pagiging lingkod ng Panginoon.

Minsan ay may isang talentadong kabataan ang nagnais na magsilbi sa Panginoon sa gawaing misyon. Ngunit ‘di naglaon, ang panawagang iyon ng Panginoon ay naglaho sapagkat ito pala ay ‘di tunay bagkus isa lamang pansariling ambisyon. Nagkarelasyon siya sa isang babae at nagbunga ang kanilang kasalanan na siyang nagdiskuwalipika sa kaniya mula sa panawagan ng Panginoon. Anong kapighatian ang bumalot sa mukha ng lalaking iyon, katulad marahil ng naranasan ni Kain, nang marinig niya ang pagtanggi sa kaniya ng Panginoon! Anupa’t ang ‘di makapaglingkod sa Diyos ay tulad ng pagkawala ng pagkakataong makamit ang pinaka-mataas na pribilehiyong maaring makamit ng tao sa mundo. Ito ay tulad sa pagkakamintis na makuha ang minsan lamang sa buhay na pagkakataon!

Sa ating pangkasalukuyang sistema at sa ilalim ng normal na situwasyon, minsan ka lamang maaaring mahalal na pangulo. Marahil ito ang dahilan kung bakit gagawin ng mga kandidato ang lahat, makamit lamang ang posisyong inaasam-asam. Kung minsan, ang ganitong espirito ay makikita rin sa mga pundamental na mga Kristiyano na nagnanais na pumasok sa pagiging misyonaryo o pastor. Lumilipat sila sa iba’t ibang simbahan upang makuha ang pinakamainam na alok. Babagsak sila sa isang iglesia na hindi sila kilala o ‘di kaya ay handang kupkupin sila (marahil ay isang kompromiso!). Sa ganitong mga pangyayari, ang taong ito ay matatawag na ambisyoso. Kung ang pagkatao ng isang tao ay maka-Diyos, hahayaan niyang ang mga pangyayari sa iglesia ang magturo sa kaniya ng direksiyon ng Diyos sa kaniyang buhay. Ang pagiging ambisyoso sa kapinsalaan at pagsuway sa 1 Korinto 12:12-27 ay kasalanan at mapanira. Kapag hinayaan ng Diyos na itama ang isang Kristiyano sa biblikal na pamamaraan, ang nararapat na gawin ng Kristiyano ay sumunod at magpasailalim sa pagtatama. Ang paglisan sa pananampalataya upang magbigay-katuwiran sa pagtalikod sa tama ay mapanira. Kaya’t posible na manatili ang isang Kristiyano sa ministeryo ngunit ‘di nakuha ang pagsang-ayon ng Diyos dahil sa siya’y tinanggihan na ng mga maka-Diyos na alagad ng Diyos dati pa. Nawa’y ingatan ng Panginoon ang Cornerstone laban sa ganuong mga ambisyosong manggagawa!

Tingnan kung paano si Pablo at Barnabas ay tinawag ng Diyos at pinili ng lokal na iglesia na kung saan sila ay miyembro upang maging mga misyonaryo. Ang tekstong ito ay nagpapakita ng maliwanag na mga alintuntunin upang malaman ang katanungan na inilahad sa itaas patungkol sa pagtiyak sa panawagan ng Panginoon.

Una, ang mga napiling misyonaryo ay naglilingkod na sa iglesia ng Antioquia (bersikulo 2a). Ang dalawang kalalakihang ito ay kabilang sa mga guro sa iglesia. Buhat sa iba’t ibang pinanggalingan o may iba’t ibang pinag-aralan ang mga guro sa naturang iglesia (bersikulo 1). Bago sila tinawag ng Banal na Espiritu, sila ay aktibong naglilingkod sa iglesia. Kaya’t matututunan nating ang isang Kristiyano ay makatitiyak na siya’y tinawag ng Diyos habang siya’y aktibong naglilingkod sa iglesia. Hindi ka papasok sa Bible School upang matawag sa pagmimisyon. Papasok ka sa CBMS dahil sa kabigatang ipinadama ng Diyos sa iyo nuong una pa man. Maaaring makapagtapos ka sa Bible School ngunit hindi ka magamit sa lokal na iglesia o sa gawaing misyon. Minsan nang nangyari sa atin ito, sana’y hindi na maulit muli.

Hindi sinabi ng mga misyonaryong ito ang kanilang naisin sa mga lider ng iglesia sa Antioquia. Tunay silang tinawag ng Diyos at ipinagdasal ito sa Panginoon (Phil 4:6b). Pagkatapos, habang sila’y naglilingkod sa Diyos ay isiniwalat ng Diyos sa kanila ang Kaniyang panawagan. Nakita rin ng mga lider ng iglesia ang panawagang iyon ng Diyos sa kanila. Kadalasan, tanging mga bayarang manggagawa lamang ang magsasabi ng kanilang ambisyon sa harap ng mga tao dahil gusto nilang makatanggap ng pantustos sa kanilang pangangailangan kahit na hindi pa sila handang dalhin ang kabigatan o hindi pa nararapat sa gawaing misyon.

Paano mo malalaman na tinawag ka ng Diyos? Una, magsimulang maglingkod sa isang partikular na gawain sa lokal na iglesia. Manatili sa gawaing iyon hanggang sa alisin ka ng Diyos. Isiping ang gawaing iyon ay tulad din ng gawaing pagmimisyon na may kaakibat na responsibilidad. Pangalawa, sabihin ang iyong mga plano sa Diyos at hindi sa mga tao. Pangatlo, kunin ang lahat ng kinakailangang paghahanda upang maging mahusay sa pangkasalukuyang gawain at hindi sa panghinaharap na ambisyon.

Pangalawa, ang mga napiling misyonaryo ay tinawag na nang Banal na Espiritu bago pa man sila napili, (bersikulo 2b). Una nang tinawag sila ng Diyos bago pa man sila pinili ng mga tao. Dito, ang desisyon ng mga tao ay kahalintulad ng desisyon ng Diyos. Ito ay patunay lamang ng kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos ay minarkahan sila ng Espiritu sa pamamagitan ng mga malilinaw na patunay na sila’y tunay na tinawag nga ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ay nagpakita ng mga indikasyong madaling malalaman na sila’y pinili nga. Sa madaling salita, gumawa ang Diyos ng mga pangyayaring magkukumbinsi sa mga lider ng Antioquia na tunay ngang tinawag sila ng Diyos. Makikita natin dito, hindi lamang ang pagkakasundo ng pagkilos ng Diyos at tao, kung hindi pati ang subhetibo at obhetibong aspeto ng panawagan sa pagmimisyon. Ang subhetibong aspeto ay ang kagustuhan nating magmisyon at ang paniwalang tayo nga ay tunay na tinawag ng Diyos. Ang obhetibong aspeto ay ang pagkilala ng panawagang iyon ng mga lider ng lokal na iglesia at ang kanilang lubos na kumpiyansa sa ating ‘di nagbabagong pamumuhay at gawain kumpara sa ating sinasabi.

Paano mo matitiyak na ikaw ay tinawag ng Diyos sa gawaing misyon? Una, ikaw ay nakasisiguro at tapat na naniniwala na binigyan ka ng Diyos ng kabigatan sa gawaing misyon. Kailangang maihiwalay mo ito sa iyong kagustuhan lamang na magkaroon ng trabaho o ‘di kaya ay makilala. Pangalawa, kailangang hingin mo sa Diyos na ipakita ang panawagang ito sa iyong pastor at iba pang lider ng iglesia na hindi mo minamanipula ang mga pangyayari. Pangatlo, umasa ka na ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay tiyak na makikita ang pagtawag at pagpili ng Diyos sa iyo. Ang kanilang saloobin ay mahalaga sa pagtiyak kung tunay ka ngang tinawag ng Diyos. Ang iba’y hindi nakinig sa payo ng kanilang pastor at humayo upang sa lumaong panahon ay masira lamang ang buhay.

Iwasan ang ‘di pagsunod sa maka-Diyos na mga payo. Tiyak na ikasisira ito ng iyong buhay at gawain. Ang tagumpay sa iyong gawain ay hindi patunay ng pagtawag ng Diyos. Kung mayroong paglabag sa partisipasyon ng lokal ng iglesia katulad sa nasasaad sa talata, ito ay maaaring basihan ng ‘di pagkilala sa panawagan ng Diyos. Ang pagsunod sa desisyon ng pamunuan ng lokal na iglesia ay kinakailangan. May karunungang makukuha sa paghihintay at pagtiyak sa panawagan ng Diyos.

Pangatlo, ang mga napiling misyonaryo ay opisyal na pinadala ng lokal na iglesia, (bersikulo 3,4). Sila’y kinilala ng lokal na iglesia. Ito ay nagpapahiwatig na may ginawang pagsusuri ang lokal na iglesia. Upang magawa ang pagsusuring ito at makagawa ng desisyon, gumamit sila ng maka-Diyos na panuntunan. Sila rin ay nagkipag-ugnayan sa gawaing misyon. Ito ay makikita sa pagbalik ni Pablo sa lokal na iglesia na ito pagkatapos ng kaniyang una at pangalawang paglalakbay. Ang ganitong ugali ay nagpapatunay na marahil ay nagpadala ang lokal na iglesia ng tulong sa dalawang misyonaryo, bagama’t tahimik ang talata ukol dito. Ipinagdasal din sila ng lokal na iglesia.

Marami tayong matututunang aral dito. Una, ang lokal na iglesia ay iyong institusyong taga-sugo. Ang lokal na iglesia ang magsusuri at kikilala ng iyong kaangkupang humayo sa gawaing misyon. Sundin ang kaniyang desisyon at alituntunin. Kung ikaw ay hindi pinayagan ng iyong lokal na iglesia, huwag pumunta sa ibang iglesia sa pag-asang sila ang magsusugo sa iyo bilang misyonaryo. Ito ay pag-ikot lamang sa malinaw na direktiba ng Panginoon. Ang lokal na iglesia rin ang magtutustos ng iyong pangangailangan. Ang magagaspang na aspeto ng ating buhay ay tunay na mahahasa sa panahong ito ng paghihintay.

Pangalawa, nuong panahong iyon, ang lokal na iglesia ay naging matagumpay sa pagsugo ng mga misyonaryo kahit na walang mga missions board na labas sa lokal na iglesia. Ang isang lokal na iglesia ay maaaring magkaroon ng isa munang kapatid na iglesia ng walang mapanghalinang kalakihang ipinapangalandakan ng mga indipindiyenteng ahensiya ng pagmimisyon. Ang misyonaryo ay dapat nasa ilalim ng isang lokal na iglesia, hindi ng maraming iglesia. Ang kagustuhan ng tao sa malalaking numero ay kadalasahang nagiging dahilan upang magkagulo ang mga iglesia at mga organisasyong tulad nito na labas sa iglesia.

Tumigil sa pagsabi sa mga tao na ikaw ay tinawag ng Diyos. Ipinalangin ito sa Panginoon. Hintayin na ang Diyos ang magsiwalat nito sa mga taong gagamitin Niya upang suriin ang iyong pagiging angkop sa gawaing misyon. Kunin ang lahat ng pagsasanay at pag-aaral upang maging mahusay sa pangkasalukuyang ministeryo.

Mamuhay tayo ng naaayon sa isinaad sa mga talata at isulong ang gawain ng Diyos sa Cornerstone bagama’t may kahirapan. Isiping ito’y ginagawa natin para sa Diyos na Siyang nagsugo sa atin. Siya Nawa!

No comments: