Friday, August 1, 2008

Nasa Lumang Tipan ba ang Banal na Espiritu?
Mga Gawa 7:51

May mga taong nalilito kung kalian nagsimula ang ministeryo ng Banal na Espiritu. Ang Pentecostes sa aklat ng mga Gawa ay parang nagmumungkahi na noon lamang dumating ang Banal na Espiritu. Kung ito ay tamang pagtatasa, bakit kapansin-pansin Siya sa maraming pangyayari sa Lumang Tipan? Makikita ba natin Siya sa panahon ng paglikha ng Diyos? Kasama ba Siya sa pagpapahayag at inspirasyon ng Banal na Kasulatan? Siya rin ba ay may kinalaman o aktibo sa maraming relasyong pangtao?

Kung tutuusin, ang akda ng apat na manunulat ukol sa ebanghelyo ay kabilang sa Bagong Tipan ngunit ito’y bago ang Pentecostes. Maari kayang dahil sa bulaang aral ng Neo-Pentecostalism ay lumabo na ang dating malinaw na pagtuturo ng Lumang Tipan patungkol sa Banal na Espiritu? Binibigyang diin lamang ng mga Neo-Pentecostals ang mga patunay ukol sa Pentecostes ngunit hindi nila inihahayag ang buong aral ukol sa Banal na Espiritu.

Kung ang Banal na Espiritu ay nasa Lumang Tipan na, anong mga pangyayari natin Siya makikita? Ano ang maari nating matutunan ukol sa Kaniya? Isaalang-alang ang pahayag at pag-aakusa ni Esteban sa kaniyang mga tagapakinig. Sigurado siyang sila’y kabilang sa mga taong dati pang tinatalikuran ang pagkilos ng Banal na Espiritu. Ito’y nagpapakita ng kanyang kaalaman sa patuloy na pagtalikod ng bayang Israel sa pagkilos ng Banal na Espiritu kaya’t tahasan niya itong iniugnay sa ginagawang kasamaan ng kanyang mga tagapakinig.

Una, ang Banal na Espiritu ay kasama sa paglikha. Ito’y itinala ni Moises sa Genesis 1:2 na nagpapahayag ng aktibong partisipasyon ng Banal na Espiritu sa paglikha. Siya rin ay kasama sa paglikha ng tao ayon sa Job 27:3 at Job 33:4. Siya ay tumulong magbigay ganda sa sansinukob, Job 26:13a at maglikha ng mga hayop, Job 26:13b. Anupa’t Siya’y kabilang sa maraming aspeto ng paglikha.

Pangalawa, kabilang ang Banal na Espiritu sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Tingnan ang 2 Samuel 23:2. Sa Lumang Tipan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propetang Kaniyang pinili upang tumanggap at magtala ng Kaniyang Salita. Ang teksto ay nagsasabi na ibinigay ng Diyos ang Kaniyang Salita kay David na nang kalaunan ay nagpatunay dito sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtala nito. Si Micah ay nagpatunay din ng kalakasang kaniyang natanggap mula sa Espiritu upang maipahayag ang Salita ng Diyos sa Israel (Micah 3:8). Kinilala rin ni Apostol Pablo ang pagiging may-akda ng Banal na Espiritu ng Isaias 6:9-10 (Mga Gawa 28:25).

Pangatlo, ang pagkilos ng Banal na Espiritu pagkatapos ng Pentekosta ay iba lamang na aspeto sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan. Isaalang-alang ang propesiya ni Jesus patungkol sa gawa ng Banal na Espiritu sa Juan 15:26 (ito’y ukol sa pagpapatotoo kay Kristo). Tingnan din ang Juan 16:7-8, 13 (nagsasaad ng pagkilos Niya sa bawat isa sa atin sa katotohanan). Ganuon din ang itinuturo ng Juan 14:17 na nagsabing ang Espiritu ay nananahan sa bawat isang mananampalataya at mananatili sa bawat isa.

Ang Banal na Espiritu din ang naging patnubay ng mga tao ng Diyos sa Lumang Tipan. Isaalang-alang ang Nehemiah 9:20 na kung saan tinuruan Niya ang mga ito ng tamang gagawin. Inihalintulad ni Nehemiah ang Gawain ng Espiritu sa pagbibigay ng kinakailangang pagkain. Ang kabutihan din ng Diyos ay makikita sa pagbibigay ng Banal na Espiritu sa ilang mga tao sa Isaiah 63:10-11,14. Ngunit walang pamamalagi ng Banal na Espiritu sa mananampalataya sa Lumang Tipan. Tingnan ang 1 Samuel 10:10; 16:14; Mga Hukom 13:25; 16:20.

Kapag isinaalang-alang ang mga ito ukol sa Banal na Espiritu, marami tayong matutuhang gamit sa ating buhay at pananampalataya. Una, ang Espiritu ay kapantay ng dalawa pang persona ng Diyos at Siya ay aktibong naging bahagi sa paglika. Pangalawa, utang din natin sa Banal na Espiritu ang buhay natin kaya’t hindi natin ito dapat lustayin sa walang kapararakang gawain. Anupat’ dapat nating hanapin ang perpektong plano ng Diyos para sa atin. Labis na kamunduhan ng isang mananampalataya ang mamuhay na ikinalulugod ng mga ‘di ligtas ngunit ikinalulungkot naman ng Diyos at ng Kaniyang iglesia. Isipin ang inyong nais, ambisyon at ninanasa. Ang mga ito ba’y nagpapakita ng pasasalamat ng isang taong binigyan ng buhay at iniligtas ng Diyos?

Dahil ang Banal na Espiritu ay kasali sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa Lumang Tipan, tayo ay nakatitiyak sa ganap na kawastuan at pag-iingat nito. Panatiliin natin sa ating isipan at paniniwala na ang Banal na Espiritu na kabilang sa inspirasyon ng Salita ng Diyos ay kabilang din sa pag-iingat nito. Maaari kayang kinasihan lang ng Diyos ang Kaniyang Salita ngunit iniwanan Niya ito sa atin upang tayo lamang ang mag-ingat nito? O Siya ang gumawa ng lahat ng mga ito? Sa ganang akin, kahit ang Awit 12:6-7 lamang ang matirang bersikulo ukol sa pag-iingat ng Salita ng Diyos (dahil sa marami ng marurunong ang siniraan na ang iba pang mga pahayag), mananatili ako sa aking pananaw ukol sa puro at iningatang Salita ng Diyos. Tama lamang na paniwalaan na ang Banal na Espiritu ay kasali sa pag-iingat ng bawat salitang ipinahayag at kinasihan ng Diyos.

Dapat tayong matuwa sa turo ng Bagong Tipan na ang Banal na Espiritu ay permanenteng nananahan sa mga mananampalataya. Maaari ngang mas pinagpala tayo kaysa sa mga tao ng Diyos sa Lumang Tipan sa ganitong aspeto. Kaya’t mas marami ang inaasahan sa atin patungkol sa ministeryo. Tayo ba ay naglilingkod sa Diyos? Makakaasa tayo ng pagpapanutbay Niya sa ating buhay at gawain sa pamamagitan ng Kaniyang Salita. Siya Nawa!

No comments: