Wednesday, June 25, 2008

Ang Gantimpala sa Pagtangkilik
sa Lingkod ng Diyos
1 Hari 17:8-24

Ang mga taong hindi batid ang kaligtasang na kay Kristo ay mangmang din sa benepisyong maaring makamit sa pagtulong sa lingkod ng Diyos. Ito rin ay totoo sa Bagong Tipan. Bakit? Dahil ang tao ay makasalanan at hindi maaalala ang ginawang kabutihan ng Diyos sa kanila hangga’t hindi ipakita ng Diyos sa kanila ang galit Niya. Nakakalungkot na makita ang mga kasapi ng iglesiang ipinapagkait ang kanilang sariling maging pagpapala sa kanilang pastor. Hindi ko makayanan ang ganitong kasamaan kaya’t ganun na lamang ako kasidhing magsermon laban dito. Bakit? Dahil ang Kristiyano ay kumikilos laban sa sarili niya at maaaring magresulta sa pagkawala ng pagpapala ng Diyos.

Ang iba ay ayaw magbigay ng pabor sa Pastor sa takot na ang pastor ay maging abusado at yumaman nang husto. Nakalimutan nila na anumang ibinibigay ng Diyos sa kaniya ay para sa ikasusulong ng gawain ng Diyos. Kaya’t ang ganitong walang basehang takot at pangamba ay nagiging balakid sa pagpapalang maaaring matanggap sa pagtulong at pagtangkilik sa lingkod ng Diyos. Ang ating teksto sa itaas ay tungkol sa nangyari kay Eliseo sa mga liblib na lugar sa Israel. Nagpunta siya sa sapa dahil sinabi ng Diyos sa kaniya ito. Nagtuloy din siya sa isang banyagang lupain dahil sa utos ng Diyos. Makikita natin ang pagiging masunurin ni Eliseo sa pangunguna ng Panginoon. Dapat nating gayahin siya sa aspetong ito. Paano? Anumang kabigatang ibinibigay sa atin ng Diyos ay dapat nating tuparin. Nararanasan natin ito habang nakikinig sa pagtuturo ng Salita ng Diyos. Kailangan tayong tumugon at gawin ang ating napagdesisyunan anuman ang kahinatnan nito. Dapat nating sundin ang ipinapakita sa atin ng Diyos habang tayo ay nagbabasa at nag-aaral ng pansarili ng Bibliya. Ganun din, dapat nating sundin ang anumang ipinapahayag sa atin ng Diyos habang ginagawa natin ang ating pang-araw-araw na gawain hangga’t ito ay hindi labag sa Salita ng Diyos. Huwag kang sumuway kapag itinutulak ka ng iyong Pastor na gawin ang isang maka-Diyos na gawain.

May isang gawain sa ating teksto na karapat-dapat ng ating pansin. Ang ginawa ng balo kahit na hindi niya alam na siya’y pagpapalain pala ng Diyos. Kung tutuusin, hindi mo iisiping magiging katuwang siya ng propeta sa ministeryo sa mga panahong iyon. Tunay na nagtataas ang Panginoon ng mga tao upang matupad ang ninanais Niya. Una, pinakain ng balo ang propeta sa mga talatang 10-13 bilang pagsunod sa mensahe ng propeta na galing sa Diyos. Ang ganitong pagsunod ay isang kabayanihan nuong panahong iyon ng taggutom. Hindi siya nagdamot bagkus ay inuna ang pangangailangan ng propeta kaysa sa pangangailangan nilang mag-ina. Ang ganitong gawain ay nagpapakita ng ating pagbibigay prioridad sa pangangailangan ng gawain ng Diyos anuman ang ating katayuan sa buhay. Mayroong pananampalataya sa ginawang pagsunod na iyon ng balo. Walang pag-aalinlangan sa ginawang pagsunod. Kailangan nating lahat ang ganitong pag-uugali. Ito ay nakakahawa! Nais mo bang maging kagaya niya?

Pangalawa, ang balo ay biniyayaan ng sapat na probisyon sa ganung panahon ng taggutom. Tingnan ang mga talatang 14-16. Habang ipinapahayag ng propeta ang Salita ng Diyos, ang propesiya ay natupad. Siya ay biniyayaan ng sapat na pagkain sa panahon ng taghirap. Ano ang ipinapahayag nito tungkol sa ating buhay? Kaya ng Diyos na ibigay ang ating pangangailangan kagaya ng ipinangako Niya. Hindi Niya maaaring sirain ang salita Niya. Lagi Niya itong tutuparin! Huwag nating kalimutan ang itinuturo ng Mateo 24:35. Ngayon, takot tayong sundan ang ginawa ng balo dahil sa pangambang tayo ay magugutom! Mas pinagkakatiwalaan pa natin ang mga bangkero at ekonomista kaysa sa ating Panginoon. Kayong takot na sundin ang panawagan ng Panginoon ay hindi mararanasan ang pagpapala ng Panginoon hangga’t hindi kayo sumusunod sa tawag Niya!

Pangatlo, ang balo ay pinagpala nang napagaling ang kaniyang anak mula sa karamdaman. Tingnan ang mga talatang 17-24. Nagsumamo ang propeta na pagalingin ng Diyos ang anak ng balo dahil alam niya ang maaaring maging epekto nito sa balo at sa ibang tao. Namatay ang bata hindi dahil sa gutom kung hindi dahil sa karamdaman. May dahilan ang Diyos kung bakit Niya pinayagang mangyari iyon. Itataas ng Diyos ang Kaniyang lingkod sa harapan ng balo. Palalalimin ng Diyos ang pananampalataya ng balo dahil sa pangyayaring ito. Sa huli, ipapahayag ng balo ang katapatan ng Salita ng Diyos na ipinahayag ng propeta (talata 24). Anupa’t ang lahat ng bagay ay kumikilos sa ikabubuti ng mga anak ng Diyos na nagtitiwala sa Kaniya. Ang imposible ay nagiging posible para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang ating reaksyon sa mga panahon ng paghihirap ay nagpapakita kung gaano tayo umaasa at nagtitiwala sa Salita ng Diyos.

Lagi kong itinatangi ang kagalakan ng pagpapastol sa mga kasapi ng Cornerstone dahil sa pagdami ng mga nagiging pagpapala sa Pastor at sa kaniyang pamilya. Ang ibig sabihin lamang nito ay lumalago na ang impluwensiya ng Salita ng Diyos sa kanilang mga buhay. Sa huli ay pagpapalain sila ng Panginoon.

Kayong mga kasapi ng ating mga simbahan sa misyon, hinihimok ko kayong maging pagpapala sa inyong mga misyoneryong pastor o manggagawa. Paano? Pag-isipang bigyan siya ng matutuluyan sa gabi. O di kaya’y tiyakin na siya’y may sapat na makakain dahil hindi niya sasabihin sa inyo kailanman ang ganitong pangangailangan kung sakali man. Sabihin ninyo sa kaniya na siya’y inyong ipinapanalangin at handa kayong siya’y suportahan. Protektahan ninyo siya laban sa mga pagbatikos at atake ng kalaban.

Kailan ang huling panahon na naging pagpapala kayo sa inyong Pastor? Nagiging pagpapala ba kayo sa inyong Pastor? Sa anong mga kaparaanan ninyo binabalak na maging pagpapala sa inyong Pastor? Maaari bang ang inyong pagmumukha, salita, ugali, kabutihan, at pagkalinga ay maging pagpapala sa kaniya? Mga kasapi ng Cornerstone, tingnan ang gagawing pagpapala ng Panginoon dahil sa inyong kabutihan! Namnamin ninyo ito at ipahayag rin sa iba upang sila’y mahimok na gumawa ng mabuti sa Pastor! Siya Nawa.

No comments: