Thursday, December 20, 2007

Sa Kanyang Murang Edad

Ni Wendy Quising

Marahil ang ilan sa inyo ay nagsimulang dumalo sa Sunday School sa murang edad. Maaga kayong naturuan ng mga bagay patungkol sa Bibliya. Marami na ang mga kuwentong narinig tungkol kina Abraham, Moises, David, Elias, Pablo at marami pang iba. Siyempre hindi natin dapat isantabi ang pangalang Jesus! Siguro kung inyong bibilangin, mga bata, ang dalas na marinig ninyo ang pangalan ng ating Panginoon ay libu-libong beses na. Ngunit kung tatanungin ka, ano ba ang bahagi ng buhay ni Jesus ang dapat mong tularan?

Sa edad na 12 taong gulang ang ating Panginoon ay nakakitaan na ng interes patungkol sa gawain na pinagagawa sa kanya ng Diyos Ama. Oo, hindi niya sinayang ang kanyang panahon. Nang hinanap Siya ng Kanyang mga magulang ay nakita nilang Siya ay nakikipag-usap sa mga Pariseo sa templo (Lukas 2:41-52). Hindi siya katulad ng mga batang hindi masunurin sa magulang. Inilaan Niya ang kanyang oras para tuparin ang utos sa Kanya ng Diyos Ama. Hindi Siya katulad ng marami sa inyo na kapag nawala sa bahay ay kung saan-saan matatagpuan. Ang iba sa computer shop, ang iba sa malls, ang iba nasa kapitbahay at nakikipaglaro ng playstation, mga walang kabuluhang bagay na kumakain ng ating oras.

Maaari nating isipin na ang kanyang ama ay maagang namatay dahil siya ay hindi na nabanggit pa sa mga huling bahagi ng buhay ni Jesus. Kaya dahil ang kanyang amang si Jose ay namatay nang maaga, bilang panganay sa magkakapatid, marahil Siya na ang pumalit bilang tagasuporta ng kanilang pisikal na pangangailangan. Hindi Niya pinabayaan na magutom ang kanyang inang si Maria at ang Kanyang mga kapatid. Hindi Siya umasa sa iba. Maaga Niyang natutunan na maging responsable sa Kanyang sarili at sa Kanyang tungkulin bilang panganay na anak. Siguro, ang iba sa inyo ay tinuturuan ng mga gawaing-bahay katulad ng paghuhugas ng pinggan, pagwawalis, pagliligpit ng higaan at pag-aalaga sa nakababatang kapatid. Hindi sana kayo nagrereklamo o umaangal kapag kayo ay inuutusan sa bahay. Ang mga iyon ay paraan lamang ng inyong mga magulang upang mapalaki kayo ng tama para sa paglaki ninyo matuto kayong magtrabaho para sa sarili ninyo. Hindi habang buhay meron kayong magulang. Darating ang panahon na maiiwan kayong mag-isa at mapipilitang magtrabaho. Paano kung hindi kayo natuto? Paano kung hindi kayo naturuang maging masipag? Walang magyayari sa inyo kundi umasa sa iba. Huwag ninyong tularan ang kwento ni Juan Tamad! Siya’y naghihintay na lamang na mahulog sa kanyang bibig ang bayabas galing sa puno sa sobrang katamaran. Si Jesus, mula pagkabata ay maituturing na responsable at masipag na bata. Kung hindi Niya natutunan nang maaga iyon ay marahil silang lahat ay magugutom nang mawalan sila ng ama.

Ang bahaging ito ng buhay ng Panginoon ay dapat nating tularan at gawing halimbawa upang sa paglaki ninyo ay hindi kayo magsisi. Ang napakadakilang nagawa ng Panginoon na pagbabayad sa ating mga kasalanan ay tanda lamang ng pagiging masunurin Niya sa Diyos Ama. Ang pagtatrabaho Niya para sa Kanyang pamilya ay nagpapakita na hindi Niya iniisip ang sarili Niya kundi ang kapakanan ng iba.

No comments: